Wednesday, June 28, 2017

WAIT LANG!!!

WAIT LANG!!! (W8 LANG!!!)
www.weenweenreyes.blogspot.com.

Naintriga ako sa salitang itong napakapalasak sa ngayon kaya nabigyan ko ng pansin. Kapag tinawag mo ang isang bata, t'yak ang sagot, "wait lang", kasi di mabitiwan ang kanyang hawak na cell phone, o laptop, o hindi mapaknit ang mga mata sa television, o kaya'y ayaw paabala sa kanyang paglalaro o pakikipaglaro. Iba na ang mga bata ngayon. Hindi na gaya nang dati na sa isang tawag lang ng magulang ay agad sasagot ang bata ng "po" at lalapit para alamin kung bakit sya tinatawag.
Ito marahil ang produkto ng makabagong Pilipino. Sa aminin natin at sa hindi, masyado na tayong naapektuhan ng ibang lugar. Westernized na masyado kung baga, o ng mga makabagong kagamitan na nagiging dahilan nang pagbabago ng pag-uugali ng ating mga kabataan.
Ngunit di ibig sabihin nito’y di na mabuti ang ating mga kabataan. May kaunting kabingihan lang siguro, haha. Sa isang banda’y nasa atin na rin ang pagdidisiplina upang mapawasto sila. At the end of the day, malaki pa rin ang porsyentong dapat nating gampanan bilang mga magulang, kumpara sa influencia ng paligid at paaralan. Sa tahanan dapat nagsisimula ang paghubog ng pagkatao ng ating mga anak. Kapag nabalutan sila ng kabutihan mula pagkabata dadalhin nila itong lahat saan man magpunta at saan man makarating… wait lang… tapos na… ipo post ko na!!! 

Tuesday, June 27, 2017

SAAN



Hiling na tulang bibigkasin ng mga
senior citizens ng Malolos, Bulacan
4. SAAN?
Saan na patungo ang paang marahan,
Na dati ay gabay sa munti kong hakbang?
Ang malabong sulyap anong tinatanaw
Banaag mo pa bang maringal na kulay?
Saan na ang talas ng dunong at tabil,
Na minsa'y hangaan sa bilis at galing?
Sa mga usapin ay di pasusupil,
Kapag nasa tama'y dila'y uubusin?
Nasaan ang lakas na dating kay tibay,
Na naging sandata sa hirap ng buhay?
Saan hahanapin ang liksi ng galaw,
Na minsan ay hataw sa padyak ng sikhay?
Tulad nang umapaw na tubig sa dagat
Ang iyong pagtangi'y umapaw sa lahat
Weeween Reyes 2017
Larawan : Google

HARAPING MAY NGITI ANG BUKAS

Hiling na tulang bibigkasin ng mga
senior citizens ng Malolos, Bulacan
3. HARAPING MAY NGITI ANG DAPITHAPON
At litong pumanaw itong ating sigla,
Dinamay ang piping lumalabong mata.
Yakap na sing-init nagmaliw na sinta
Tungkod natiy tayo, itong isat-isa.
Patuloy humakbang ng may tuwa't gilas,
Upang wag hayaang ilugmok ng hirap.
Nang sakit na minsan sa ati'y yumakap,
Huwag pagugupo nang may iwing lakas.
Pag kumakaway na yaring takip-silim
Babatiin nating may lambing at giliw
ang mga nagdaan masayang silipin
At magbalik-tanaw bago man mahimbing.
Huwag ikatakot harapin ang bukas
Nang may sigla't ngiting sa mukha'y bumakas
Wawakasan nating sapat ang dignidad
kailan ang hanggan Dios lang ang may sukat.
Ating ihahagkis bawat gintong aral
Nang tumimong wagas sa pamamanahan
Upang sa paglakbay ay magsilbing ilaw
At maging huwarang kanilang susundan.
Magmaliw mang ganap ang ganda at tikas
Hayaang luntiang maiwang babakat
Upang kung lumisan alaala'y tatak
Sa mata ng tao't sa Diyos ay galak.
Weeween Reyes 2017
Larawan: Google

KAPAG TAYO'Y MATANDA NA

Hiling na tulang bibigkasin ng mga
senior citizens ng Malolos, Bulacan
2. KAPAG TAYO'Y MATANDA NA
Puti na nga palang ating mga buhok,
At ating memorya'y tila inaantok.
Wari ay ang radyong sumisigok-sigok,
Ang ating salita'y pumipiyok-piyok.
Ang ating paghakbang kulang na sa bilang.
Kaybagal nang lakad laging naiiwan.
Kahit ating mata'y tila nahihilam,
Malabo-labo na't lakad ay mabalam.
Kahit mga ngipin natin ay wala na,
ngiti ay kay tamis nakaeengganya.
Ngunit di magawa ang ating makaya
Kung nagsisipilyo ay sumisipol pa.
Kaya't wag malungkot kaya pang umikot,
at tayo'y mag cha cha hanggang sa mapagod.
Di ngunit matanda ay uugod-ugod,
Hindi pahuhuli't tila ang hilahod.
Ta'y mag otso otso sundan ang musika,
Nang katawan natin ay laging sumigla.
Wag tutulog-tulog baka marayuma,
At baka maubos ang pensyong kulang pa.
Iwasang kumain ng maraming kanin,
Damihan ang gulay isda ay ihawin.
Bawasan ang tamis, timpla'y kunting asin,
Piliin ang ulam di lahat naisin.
Sa ating paglakbay sa patutunguhan,
Ay magkapit-kamay upang di mabuwal.
At ang mga mata'y ako lang ang tingnan,
Wag gagala-gala nang di maupakan. 
Weeween Reyes 2017
Larawan : Google

GALIMGIM

Hiling na tulang bibigkasin ng mga
senior citizens ng Malolos, Bulacan
1. GALIMGIM
Nilingon kong muli ang aking minulan.
Kayhaba na wari nang aking nalakbay.
At ako'y naakit na simsim ay sundan,
May pagmamalaking inangat ang tanaw.
Sa aking namasdan ako ay naluha.
Tila di nasayang ang mga adhika.
Salat man sa yaman may sipag at tyaga.
Ang gabay ay dangal sa Dios nagpaawa.
Wari'y naririnig ang mga hagikhik.
Ang payak na buhay iniwas sa hapis.
Nang kumot ay kapos natutong magtiis,
Kahit man sa hirap saya'y di nawaglit.
Inani'y parangal ng supling na mahal,
Na busog sa yakap, busog sa pangaral.
Kayat ang pamanang kanyang tanging yaman,
Ay ang naigapang yaong karunungan.
Ngayong paparating itong dapit-hapon,
Walang pagsisisi ano man ang layon.
Kapag dumating man ang mga daluyong,
Kaytibay ng suhay sa kanya'y tutulong.
At ngayong tumindig sa inyong harapan,
Ngiti ay kaytamis, hininga'y may yabang.
Isip ay tahimik kapag nagabayan,
Saan man lumakbay, kapid ay tagumpay.
Weeween Reyes 2017
Larawan: Google

Monday, June 26, 2017

AT GINAWA NG DIYOS ANG TAO

AT GINAWA NG DIYOS ANG TAO
"Pagkat sa lupa tayo nagmula,
tayo'y babalik din sa lupa"

Nakamamangha kung paano
tayo hinubog ng Diyos:

Binigyan tayo nang pagtulog,
at meron ding paggising.
Walong oras daw ay sapat
sumosobra minsan ang tamad.
Ngunit kaytalino ng Diyos
Minarapat n'yang sagutin natin
ang tawag ng kalikasan.
Kahit mayaman ka'y
di pwedeng iasa sa utusan.
Kailangan nating bumangon
para sa sariling kapakanan.

Minsan nais nati'y tumunganga.
Ngunit binigyan tayo nang uhaw
at sa pag-inom lamang matitighaw
Naramdaman natin ang gutom.
Ating tiyan hanap ay kabusugan.
Pwedeng iutos ang paghahanda,
ngunit hindi ang pagnguya.

Binigyan tayo ng amoy at pang-amoy
Upang tayo'y maligo't bumango.
Kahit ang paglinis sa katawan
pwedeng iasa kaninuman.
Ngunit binigyan tayo ng kaselanan
at pakiramdam nang kahihiyan,
kaya't kailangang sarili'y gampanan.

Tunay ngang ang buhay ng tao
ay hindi simple kung tingnan.
Kahit tayo'y humiga sa pera
may bagay na di pwedeng iasa.

Ngunit marami pang sa ati'y ibinigay.
Ang pagkakataong ibigin at umibig
ngunit hindi ang manakit.
Binigyan tayo nang layang magsalita
Ngunit hindi ang mangutya.
Binigyan tayo ng angking dunong
upang mapunan ang kakulangan ng iba,
di upang gamitin laban sa mahirap at aba.

Tayo daw ay hinubog ng Diyos
sa kanyang imahe
Magpaka Diyos tayo.......

Weeween Reyes 2017 (june 27)
larawan (google)

Friday, June 23, 2017

AGIW

AGIW

Minsan,
sumasagi ka sa aking alaala.
Ang mga simsim, may dalang saya.
Ngiti'y sumisilay sa labi ko
at gumagapang tungo sa dibdib,
sa aking pag-iisa.

Noon,
parang walang pagsidlan
ang kaligayahan.
Lumilipas ang mga oras
na hindi namamalayan,
at ang bawat saglit nito'y
may dalang lambingan.

Ngunit,
sandali pa't ito'y napalitan
ng mga salamisim,
at muli ang kay bigat
na paggising.

Subalit,
unti-unti'y
natuto rin akong
magpahalaga't
magmahal sa sarili,
Upang sa aking pagmulat
wala ng ulap
na nakatabing.
At kung buksan ko man
ang aking bintana,
hahayaan kong pumasok
ang sikat ng araw
upang tuluyan nang mabura
ang agiw ng
nakaraan.

Weeween Reyes 2017
Larawan: Google

a morsel of my youth

A morsel of my Youth (Malayan Wave -- aaba bbcb ccdc dd of Jose Rizal M. Reyes) In a small town where I was born and grew had happy...