Tuesday, June 6, 2017

"UBOD"

"UBOD"

Ang boud ng tula wari'y kaluluwa;
At ang laman nito'y puso ng makata.
Pagkat bawat haplos lalim ng salita;
Hinugot sa dibdib bawat n'yang kataga.

Lamyos nitong saknong tila sumasayaw.
Sa ihip ng hangin ay nakikisabay.
Tulad ng pag-indak ng hanging amihan
Kaylamig sa muni ng sintang alayan.

Bigyan nating sigla bawat nitong linya.
Kapag s'ya'y lumuha ingatang mabura
Nagdaang kahapong sa ati'y may dala
Pait man o tuwa asahang may saya.

Itong angking tula'y ating pagkatao
At naglalarawan sa kung sino tayo.

WeeWeen Reyes 2017

Background: Google

USAPANG FB (FACEBOOK) LANG


USAPANG FB (FACEBOOK) LANG
FYI (for your information). Oh kita nyo, bungad palang FB na FB (Facebook) na ang aking dating. LOL
(laugh out loud or sometimes a mocking laugh), and lel if lack of amusement or just (hahaha)  . Kung gusto mong mas emphatic ang halakhak mo…har, har, har. Get’s nyo?
Ayan tau eh, pag majunda (matanda) di na in. eh un ngang mudrakels (Nanay, mudra) ko 90 na may laptop din. Wala sa age yan. Pag galit naman…Don’t me… Ha … Don’t me! (wag ako). Selfie dito, selfie doon, but w8 (wait), di ba sabi pag selfie ikaw ang kumuha sa sariling picture? Eh bakit ung iba, kahit di sya ang kumuha selfie pa rin ang sabi sa post nya ….No, no, no. mali tau jan (Tayo, diyan). Un (Iyon) nga, selfie, korekin natin ung iba. Basta sinabing selfie, sariling kayod upang makakuha ng pang profile picture sa FB, di ba? At kapag nagustuhan nila ang ung tirada…. Comment naman…uwian na, may nanalo na.. haha daming pauso.
Dapat alam din nating mga may dual citizenship (Filipino citizen-SeΓ±or citizen) yan kundi tayo’y mapag-iiwanan. Pag na embarrass ka o naiiyak …waaaaaa . Pag inaantok… zzzzzz. Minsan mababasa mo ATM (At The Moment), OTW (On The Way). Mga friendships jan, bes, beshie be, babes, my loves, etc.. Tas (tapos) pag amazed OMG (Oh my God). Hash tag, poke, inbox, chat, noti (notification). Kuh iba na talaga ang mundo ngayon.
Pag humanga …ediwowww, o kaya’y natuwa…nyahahah. Oh kaya gamit ay sari-saring emoticos πŸ˜€πŸ˜¬πŸ€£πŸ˜‚πŸ˜πŸ˜˜πŸ˜œπŸ€‘πŸ˜‘πŸ˜”πŸ˜– <3 para i express ang sarili. Pag may post namang mas salaula o sobrang nakakahiya o pangit sa paningin, wowww trending agad ang peg (ewan kung saan napulot ang meaning nito), parang trip lang o ginaya. O kitam… muntik nang maging pig.
Kaloka di ba? XOXO (hugs and kisses), TTH (Trying Too Hard), PLZ (please), T.T (Crying) LY (Love You). Ung happy birthday, aba’y HBD daw, eh paano pa maramdaman ang sincerity nyan? Eh parang tamad na tamad bumati. hehehe. Ayan ganyan ang ngiting simple lang, pero kung gusto mong pa kyut(cute) pwede na ring hihihi. Kung bago ka lang mag e FB ay muka(mukha) kang tanga. Kasi ganern (ganun) dito ang usapan. May salitang kanto, salitang slang, salitang sosyal, salitang kolehiyala, sinauna, at salitang beki. May Tagalog, English may bisaya , Ilokano, kapampangan, Hapon, Chinese, SpaΓ±ol, name it you’ll have it.
In short, la kau (kayo) pakelz (pakialam) Wall ko tu (ito). Kung ayaw nyo post ko wag nyo basahin... haha… parang ang harsh ah ... kahit sa wall pa natin, we should hold responsible for whatever we post kasi social media to. nababasa ng buong mundo, maging mapanuri at maingat at magsilbing huwaran.. woooo FB pa more….. ganito tau sa FB? Palagay nu? Ako, di rin mapalagay πŸ˜†πŸ˜†
Weeween Reyes
Inspiring Poem/Poetry mostly are related to current societal issues.  The story might seem coincidences in true life.                                        

Monday, June 5, 2017

SINO ANG BABALIKAN?

SINO ANG BABALIKAN?

Gusto kitang hanaping muli
Sa bunton ng dayami
Tulad nang paghahanap
sa isang karayom.

Makita man kita,
ngunit baka di ka na malaya,
gaya ng tanikalang
sa aking puso ay gumapos.
mula ng ako'y lumayo't
tumakas sa kulungang
wala namang rehas.
Sa animo'y mga bakal na
nakahadlang sa ating
pagitan ngayon......

Parang kaylan lang
ang kalayaan ay nasa
ating mga palad,
ngunit tila bulag
ang mga mata't
hindi nakita ang iyong halaga,
nitong mapaglarong puso't
batang kaisipan

Hanggang sa gumulang,
hanggang sa matauhan,
hanggang sa matutong maghanap.

Kahit ang karimlan
tutulong sa pagtago,
upang bigyang katarungan
ang mga sandaling ipinagkait,
sa tunay na pag-ibig,
sa tunay na nagmahal,
sa isang pusong inaba
sa isang pusong sinaktan....

Sino ang babalikan?

Wines 2013 (Dis. 6)

PHoto credits to the owner

BAKAS MO'Y BALIKAN

BAKAS MO'Y BALIKAN
(APO, INA, IMPO)
I (IMPO-APO)
"Andeng!", tunog kulog na tawag ng impo
sa apong may edad na lima't nakupo,
kaysipag na bata't di halos huminto.
Sa bait at galang, laging "po at opo".
II (IMPO)
Mukhang dalidali't agad s'yang gumayak,
huhuli ng bigas't komida at gatas.
Litanya'y salukan ang tapayang apat,
sahig ay bunutin, kinising makintab.
III (APO)
"Tatandaan ko po", ang pakling matuwid.
"Hamo't sa pagbalik yari ng umigib.
Tuloy manalamin sa kinang ng sahig"
an'ya nitong busog, sa sungit at haplit.
IV (IMPO)
Isang impong hukot, magmula'y naglinang,
na sa kanyang hagap ay may pusong bakal.
Disiplinang tila kidlat ang tamaan,
bangis ng hagupit, may latay ang hataw.
V (IMPO)
Anupanga't nibis sa bayang kalapit.
Gisi-gisi't kupas ang suot na damit.
May portamonedang kayhambog na kipkip,
hamak mang kayluma sa laman ay hitik.
VI (IMPO)
Lingid na malihim ang palad na kuyom,
sa katas ng kopra panaho'y tumuloy.
Ang ugat at bunga ng tanim, at dahon,
ay baryang nasinop, sambangang naipon.
VII (APO)
Bumabangong galit tinago sa dibdib.
Bibig laging tikom at dila ay umid.
Agad tatalima imbes na umidlip,
nalikhang daigdig, mundo na kaylupit.
VIII (APO)
Nais ma'y di ibig mangarap ang pahat,
timyas ng paligid ay luksang nahantad.
Hangad na paggiliw, pagsinta ay salat,
tanging pagdaramdam ang gapok na lunas.
IX (APO)
Nilunod ang gabi sa lamyos ng tunog,
ng kudyaping wari'y luma na at paos.
Upang ang hinagpis sa gitna ng lungkot,
sa naglilong ilaw di madamang lubos.
X (INA)
Tuluyang tumakas sa kasiphayuan,
tiwalang Maynila'y ginituang lunan.
Sa mga dagitab at rangyang mamasdan,
paraisong hanap, wari'y abot-tanaw.
XI (APO)
At ang mga bakas pilit tinalunton,
ng matang niningas sa poot at apoy.
Sa abot ng isip galit ang humatol.
Lumatag ang dusa, muhi ay umahon.
XII (INA)
Subalit nasadlak, napadpad sa kasa,
sa sikat na lugar, pamosong Ermita.
Ang akalang yaman, mukha ng pag-asa
ay mabahong banlik, animo'y basura.
XIII (APO)
Kahima't bituin ang s'yang kaulayaw
ng litong kalul'wa't malay-taong pagal,
sa oras ng lumbay luha ang sumbungan.
Kumot n'ya ay lamig sa gabing maginaw.
XIV (APO)
Ang dantay na payak sana'y gusto't nais
ng hapong katawan at hagok na isip.
Balasik na utos, pising di mapatid,
apisyon ng impo, ay kurot sa singit.
XV (APO)
At ang alaala ng amang pumanaw
ang s'yang hikbing nasok sa kahinahunan.
Upang disinsana'y may suhay at tibay,
ang tahanang salat sa alab at gabay.
XVI (APO)
Halos magkumahog ang buwan at taon,
at pito'y nadagdag, gulang nya'y umusbong.
Simbilis lumikwad ang noon ay ngayon,
pait ng hinaing, sa puso'y lumason.
XVII (IMPO)
Ang lola'y tinuos ang buhay na hiram,
langit ay kumaway ng paa'y pumantay.
Dap'wat ang pagsuko'y sa Kanyang kandungan.
Dinig ang agunyas, oras ng paglisan.
XVIII (APO)
Ang kumpas ng hangin mistulang may unos.
Ang dungong karimlan dinumog ng takot.
Sa timik at lumbay may nguyngoy ang tulog,
at bawat pagpikit tugon ay bangungot.
XIX (APO)
Munti niyang palad, dinaop, nagdasal,
at Banal na Aklat ay kagyat namasdan.
Ang tanging namana't sa dusa'y karamay,
kapag di payapa't diwa'y salimbayan.
XX (INA)
May taynga ang langit sa usal ng lupa.
Dinala ng hamog sa inang mumutya,
sa sinapupunang kung saan nagmula.
At s'ya'y nanambitan, nanangis, lumuha.
XXI (INA)
Oh Diyos na Ama ng langit at tanan,
ang Iyong alipin, na minsa'y naligaw.
Kunting awa't habag, nawa'y bahaginan,
Muli'y sa yakap ko, bunso ay humimlay.
XXII (INA)
Abang makalupa, sa yo'y lumuluhod,
at nagpapahabag, ngayo'y kumakatok.
Maawaing Ama, sa Yo'y lumuluhog,
at nananalanging lubos at mataos.
XXIII (INA)
Kakambal ay tangis nitong gabing niig.
Sa bawat pagtawag, kahunta ay langit.
At ang mga kabog at busa ng dibdib,
may munting liwanag bawat pagkainip.
XXIV (INA)
Pagdaka'y tinahak ang layak na landas.
Daa'y di makita't luha'y di maampat.
Habang mga butil ay lumalagaslas,
humihikbing ulap kasabay pumatak.
XXV (APO-INA)
Sa dako pa roon, aninag ang mukha
ng mahal na anak sa dilim niluwa.
Ang nagsilbing tanglaw anag-ag ng tala,
ang iniwang pugad marusing at dusta.
XXVI
Pagsisisi'y kapos sa inang lumayag,
ang pithaya't hangad, taghoy na kaylakas,
Ang laksang himutok ay hibik ng tawad.
Ngayo'y magkayakap, luha'y may halakhak.
XXVII (APO)
"O mahal na inang nagsilang, nagluwal
Alab ng pagliyag ay salat at kulang.
Samo't tanging hanap, yapos ng magulang
Salat man sa yaman, uhaw ay maparam."
XXVIII (APO)
"Haplos ng kamay mo'y sintamis ng halik,
ang higpit at init ng dibdib at bisig.
Bukas ng labi ko'y luwalhating hatid,
ang tanging ligaya, "Inay" ay masambit."
XXIX (APO-INA)
Balasik ang hagkis ng luha't panangis.
Nalaman na't batid, hininga'y hinigit.
Salaping iniwan pala'y labis-labis,
ngunit ang Bibliya'y higit sa mas higit!
XXX (APO-INA)
Mukat mo'y ulinig ang mga palahaw,
ng imbi't palalong tangis na umapaw.
Ang sumpang pangako'y di na mawawalay
sa hamak na labi'y may ngiting sumilay!
Weeween Reyes 2017
Litrato: Google

a morsel of my youth

A morsel of my Youth (Malayan Wave -- aaba bbcb ccdc dd of Jose Rizal M. Reyes) In a small town where I was born and grew had happy...