Tuesday, November 13, 2018

HULING GAGAP



Sana'y hinigpitan ko pa
ang gagap sa yong palad,
yon pala ang huli kong hawak.
Sana'y di ko binitiwan,
kahimanawari'y napigilan 
ang pamamaalam.
Sana'y ginagap pa't naantala
nang ang init ng palad ko'y
alab sa lumalamig mong kamay.
Sana bawat kong buntung-hininga'y
hiningang dudugtong 
sa kinakapos mo't hingal.
Sana...
Danga't maling pigilan
ang nais lumakbay 
tungo sa tunay na tahanan.
Hayaan nang lumisan 
at kandungan N'ya ang hahantungan.
Kahit ang pagyao'y katumbas
ng dagat ng luha 
ikaw'y hahayaan maglayag
kung ang pamamaalam ay:
katiwasayan, 
katahimikan, 
kaligayahan, 
kaginhawahan,
at pahingalay ng katawang lupang
nakibaka ng siyamnapu't isang
paulit-ulit na kaarawa't
umawit ng oyayi sa sampung buhay.
Mapalad ka Ina't tinawag na Niya
diyan sa buhay na walang-hanggan!
Nobyembre 12, 2018
(Ika-apatnapung araw)
Larawan: Inutski and Mommy
Weeween Reyes 2018

No comments:

Post a Comment

a morsel of my youth

A morsel of my Youth (Malayan Wave -- aaba bbcb ccdc dd of Jose Rizal M. Reyes) In a small town where I was born and grew had happy...