SILANG MGA MAPAPALAD
Inspired by Florence Calica's
"NALIPASAN NG PANAHON"
Wee-ween Reyes 8/6/2012
Kay bigat ng aking dibdib pagkatapos kung basahin
Nilalaman n'yaring tulang binuhusan ng damdamin
Oh kaysaklap-saklap naman kung ating pakaisipin
Ang pag-big ay lumipas at ang puso ay nanimdim
Ngunit karapat-dapat bang kalungkutan ang tadhana
Kung ang gumuhit sa palad ay ating Amang Bathala?
Dapat ba tayong magtanong sa ating Amang lumikha
Ng isang sandaigdigang puspos ng ganda't biyaya?
Masdan ang mga kahoy yaong may punong matibay
Kaysigla ng mga dahon kaytaba't naggagandahan
Kung kaya't ang mga sanga ay may bungang nakahanay
At hitik sa pagmamahal ng punong s'yang gumagabay
Gaya ng isang pamilya kung merong isang gigiya
Ang buhay tiyak uunlad ang lahat ay liligaya
Kung may isang magmamahal at siyang magpapasiya
Gabay sa kinabukasan tuluyang aakuin n'ya
Ah, isang malayang ibong wala namang karapatan
S'ya'y lumipad sa malayo para buhay ay dugtungan
Nitong mga kapuspalad na problema'y s'yang umatang
Sariling kaligayahan ay naisantabi na lang
Kaypalad ng mga mahal na merong anghel sa lupa
Na tunay na nagmamahal kahit pag-big mawala
At magtitiis sa lamig kahit sarili'y kawawa
Pagmamahal sa pamilya iyan ang kanyang adhika
Ilan nga bang kagaya mo ang 'di marunong sumuko
Uunahin ang pamilya kahit dumugo ang puso
Di alintana pagtanda kabataan ay lalaho
Wala namang aagapay walang asawang susuyo
Ngunit wag kang mag-alala ang Diyos ay nakatunghay
At sa bawat pagtitiis sa iyo'y may nakalaan
Bawat tulong na ibigay na butil ng kabutihan
Merong biyaya sa langit kapagdaka'y naghihintay
Pagdating ng dapithapon ay hindi ka mag-iisa
Pagkat bawat pagmamahal susuklian nang ligaya
Ang palay na ipinunla lalaki at magdadala
Tutubo at sasagana may biyayang nakatawa
Silang mga mapapalad na tinulungang umunlad
Ang sa iyo ay gagabay kapag mawalan ng lakas
Ang buhay parang ruweda minsan sa baba o taas
Kabutihang naigawad may nakalaang katapat!
NALIPASAN NG PANAHON
by: ms. Florence Calica
Balik tanaw sa lumipas,nakung saan nagsimula
Kahit ito'y ayaw ko, nang muli itong magunita
At kahit na masasabing, itong pusoy nagtitika
Hindi ako nagsisisi,sa buhay ko ang nawala
Ginugol ko ang panahon,sa maraming mga bagay
Sinantabi ang pag-ibig,tiniis na huwag magmahal
Ang hangad ko sa sarili,akin munang matulungan
Ang ugat ng pamilya kong,nagising sa kahirapan
Palibhasa akong ito, narating na ang tugatog
Kaya ako sa pagtulong, hindi ako nagmaramot
Ng malingat ang sarili, doon sa'king pagkalimot
Ang puso ko sa pag-ibig,dina ito tumitibok
Ang panahon na nagdaan,kusa ko man ibabalik
Hindi narin mabubuhay,ang namatay na pag-ibig
Pagkat dito sa puso ko,nanalaytay na ang lamig
Mistula ng isang bangkay,itong pusong walang init
Napansin ko ang sarili,ako pala ay nag-iisa
Ang ngalan ng pagmamahal,sa akin ay lumayo na
Kahit ako'y nakahiga,sa maraming aking pera
Inaamin ng puso ko,di ganap ang maligaya
Sa kabila nitong lahat,hindi ako nagsisisi
Kung ang dulot ng pagtulong,ay nagbunga ng mabuti
Ang tangi kong ala-ala, ang sanhi ng pagsisilbi
Ang damdamin nitong puso,ang siyang aking naisantabi
Batid ko man hindi narin,muling itoy manariwa
Ang puso kong kinupasan,ng pag-ibig na nalanta
Kahit itoy diligin pa,ng sariwang mga luha
Ay hindi na maibabalik,ang panahon na nawala
Ngayon akoy nag-iisa,sa gitna ng karangyahan
Sa pagtulong ang kayakap,ang sariling mga unan
Ang lamig ng hating gabi, kung gumapang sa katawan
Ang makapal na kumot ko,ang siyang aking pananggalang
Akin lamang tinatanaw, ang buhay kong nakalipas
Ngunit walang pagsisisi,kahit pusoy walang kapilas
Kung ito man ay bahagi,at kasama sa pangarap
Ano man ang naging bunga,akin itong tinatanggap
Ngayoy walang nalalabi,kundi bakas ng kahapon
Ang pag-iisa sa buhay,ang sukli ko sa pagtulong
Ang saganang aking buhay, na kapiling ko sa ngayon
Ang siyang sukli sa puso kong,nilipasan ng panahon...ahihihih
Sagot ko po yan sa taong umaalipusta
sa aking katayuan at hanggang ngayon pinili ko ang mag-isa
atleast masaya ako sa akin buhay,lahat naman tayo tumatanda...