Saturday, February 25, 2012

Untitled (poem/poetry) -6


Luha ay tumulo bumaha sa lupa
nanggaling sa bundok at s'ya'y rumagasa
dibdib ko'y nawarak halos bumuka
sugat ay malalim sino ang may sala

Delubyo'y darating sa gitna ng buhay
paulit ulit na tao'y di nasanay
sana'y naagapan kung di mabuay
mga inosente dapat di nadamay

Itong kaluluwa ngayon ay nalugmok
nasa isang sulok puro lang himutok
humingi ng awa kanino kakatok
ang mga nangako wala ng pumiyok

sinong sisisihin si Juan mababaw?
sinong tatanungin si Juan malabnaw?
sinong kakatukin si Juan matakaw?
sinong sisingilin si Juan puro hataw?

meron pa bang pasko ang mga kawawa
meron bang maganda silang makikita
meron bang ngingiti sa gitna ng dusa
meron bang sasaya sila'y naulila

at ako'y tatawag sa D'yos iaasa
ang mga siphayo ng mga kawawa
tao'y nag-agawan katiting na grasya
"aso kain aso" ito ang istorya

Untitled (poem/poetry) -5


kung muling makatayo
at muling makalaro
patunayang manalo
angat ang pangkatao

kung muli pang matalo
itaas ang yong noo
at magpakaginoo
sa D'yos ika'y nanalo

Untitled (poem/poetry) -4


Bakit nga ganyan minsan
ang tao'y nabulagan
kahit nga kaibigan
ikaw ay iiwanan

oras na kailangan
wala sa 'yong harapan
ikaw ay lalayasan
kapag isang talunan

Nong iyong kalakasan
ay para lang dyosdyosan
kasama sa larangan
sama sa kasikatan

laging lang sumisiksik
halos nga ay humalik
at kasama sa pagklik
ng kamerang pumitik

subukan mong matalo
mag-isang dalhin ito
at tiyak sigurado
magising ay nagsolo

PAG-IBIG KAY SAKIT


PAG-IBIG KAY SAKIT
(hinaing ng isang iniwanan)
Ma. Crozalle Reyes Raymundo
a.k.a. Wee-ween Reyes, 8/29/2011

Makirot, kaysakit, hindi ko mawari
Inibang pag-upo, tuloy ang paghapdi
Kinapa ang puso parang nagdurugo
sinilip ang sugat wala namang dugo

Lumipat ng banko umayos ng upo
At uminat-inat tapos tumalungko
Winaksi sa isip pilit sumisiksik
Hay napakasakit, at kamay tumalsik

At s'ya ay yumuko mata ay lumuha
Luha'y naghabulan biglang kumawala
Ngipi'y nagtatagis at halos kuminis
Dila ay nakagat at sobrang nainis

Taas baba taas balikat yumugyog
Tumayong bigla s'ya ay umindayog
Kamay ay nasugat at tuhod lumambot
dahan-dahang lugmok kamay ay nabilot

At naalala n'ya ang ating "Diyos Ama"
Taimtim ang dasal sana'y tulungan s'ya
Dusa ay makaya at s'ya'y magpatawad
Sa mga may sala pag-ibig na huwad

Ito ba ang napala sa aking ginawa
Ang tagal nagtiis sa mga palamara
Nagbigay ng oras at sinuportahan
Ang kanyang pamilya silang tinulungan

Aking minamahal, aking nililiyag
Ng ako'y malayo ikaw ay halaghag
Baon ang pag-asa ako ay may hirang
Talipandas pala at sakim ang hunghang

Itong aking buhay sa yo'y pinasulat
Ng 'wag pamarisan at mata'y mamulat
Ang ating pag-ibig ay huwag sobrahan
Pera ay ipunin buhay paghandaan

kung ikaw ay gaya ko.......
pag-isipan mo ito.....

PINAGBUKLOD NG LANGIT


PINAGBUKLOD NG LANGIT
Inspirasyon: Madelene Arboleda Caoagdan and husband
Ma. Crozalle Reyes Raymundo
a.k.a. Wee-ween Reyes, 01/08/2012

Handa na ang lahat, simbaha'y may gayak
Si Padre'y nag-intay katabi'y kay galak
Mukha n'yang kay saya ngunit naiiyak
Ngayon ay ikasal sa maging kabiyak

Masdan mo sa loob may puting bulalak
Kaysarap samyuin at may halimuyak
Para bang may isip at humahalakhak
At tulad ng tao sila'y nakigalak

Ito ang Bridal Car at sakay si mahal
Ng ang kanyang liyag ay hindi mapanghal
Pagbaba nga niya ay sabay umusal
Sa Langit tumingin sa ating Maykapal

Paa'y nanginginig sa tuwa at saya
Hinakbang sa carpet at parang tutumba
Kaytaas ng takong ng sapatos niya
Pagkat kanyang kasal dapat ay maganda

Pakinggan sa ere ang lamyos ng tinig
Kaysarap sa tenga kung ika'y makinig
Ang kanta ng anghel ang iyong marinig
At sila'y lumakad lahat ay kinilig

Oh kaygandagandang tingnan ang 'yong kasal
Na pinaghandaan ng may pagmamahal
Kayo'y nagsumpaan kasama ang dasal
Ngayon ay narito sa harap ng altar

Si Padre'y nagbasbas lalong pinagtibay
Ang pagmamahalang di kayang ibuway
Sa lindol at bagyo, sa baha'y kay tibay
Pinagsama ng Diyos sa "kanya" ang gabay

Natapos ang kasal lahat pumalakpak
Sila ay masaya may luhang pumatak
Kaysarap makasal at maging kabiyak
Ng taong inibig ngayon ay kayakap

Enero a otso ay anibersaryo
Ako'y humahanga ng lubos sa inyo
At pakaingatan ang kasal sagrado
Habang buhay kayo magmahalan todo

Bente otsong tao'y di birong usapan
Pag-ibig na tunay iyan ang dahilan
Ang sangkap sa lahat ay pagmamahalan
At sa dako pa roon dalhin ang sumpaan!

HAPPY 28TH ANNIVERSARY KABABAYAN!!!!

ISANG GABI NG KATAKSILAN


ISANG GABI NG KATAKSILAN
Ma.Crozalle Reyes Raymundo
a.k.a. Wee-ween Reyes,
Setyembre 12, 2011

mabigat sa dibdib
sa puso ay hirap
damdami'y nanganib
at biglang inakap
hindi mapakali
pilit kinakapa
pilit ikinubli
pagkat mahiwaga

ang maling damdamin
muling umusbong
puso'y inalipin
marami ang tanong
gustong ring kumibo
muling nabulahaw
tahimik na puso
ay umalingawngaw

puso'y gulung-gulo
at may dalang kirot
damdaming tinago
para bang nasundot
pilit lumalabas
at di mapakali
pilit umaalpas
kahit 'yong itali

ang dating damdamin
sa iyo lang dama
pag-ibig ay damhin
sa puso ay tuwa
sadyang di mapigil
pag-ibig sa giliw
lalong nanggigigil
parang isang baliw

ang puso'y nanangis
sa tunay na mahal
damdami'y lumihis
ng ito'y tumagal
pilit nililigaw
ang damdaming sabik
at hanggang luminaw
hinugot ang tinik

ang pusong makulit
ay agad bumitaw
damdami'y pinilit
uhaw ay matighaw
mga katanungan
naghanap ng sagot
at ang katatagan
ay biglang nilimot

luha ay nangilid
pagkat puso'y taksil
pinilit isilid
at baka mapigil
ngunit s'ya'y gumalaw
at muling lumabas
kagyat nabulahaw
itong talipandas

hungkag na damdaming
kaytagal tiniis
puso ay humiling
madama ang tamis
kung kaylan ang lahat
ay naging maayos
ay pilit sinukat
puso ay kumilos

at ngayong malasap
tunay na ligaya
matikman ang sarap
kaysaya sa kanya
sa dating pag-ibig
buhay ay sumigla
ang dating malamig
ngayo'y uminit na

Ngunit tama nga ba
puso'y iyong sundin
wag saktan ang iba
damdami'y pigilin
ang maling pag ibig
sa puso'y gumising
puno ng ligalig
sa damdaming haling

kailan aminin
ang maling pag-ibig
isip pairalin
kalaba'y daigdig
pag-ibig na tunay
ay yaong tumagal
pagkat pinagtibay
ng Diyos na mahal

pinikit ang mata
at s'ya ay nag-isip
pinilit kinapa
dibdib n'ya'y sumikip
gusto n'yang tumili
umalis lumayo
puso'y yupi-yupi
ang sakit tumimo

ng s'ya ay lumabas
siya ay umungol
at lalong lumakas
ungol pa ng ungol
gustong magsalita
nagtagis ang bagang
at ang kanyang diwa
mukhang kinalawang

at s'ya ay inalog
inalog pang muli
at muling inalog
hanggang mapangiwi
ng biglang magising
asawa'y tiningnan
at biglang humiling
ng kapatawaran

aking D'yos salamat
at ako'y nagising
puso ko ay tapat
at walang nasaling
aking panaginip
ay mali't tiwali
ng ako'y maidlip
nagkasalang dagli


hayyy....panaginip lang pala...

MARAMING SALAMAT LDR FAMILY


MARAMING SALAMAT LDR FAMILY
( Creator, Mr. Jules Ragas)
Ma. Crozalle Reyes Raymundo
a.k.a. Wee-ween Reyes, 12/26/2011

LOVE, DATING ROMANCE pala
Pag tinagalog ka pa
Hindi ganun kaganda
Ang dating sa babasa

Itong iyong pangalan
Ang babasa'y kabahan
Lito ang kaisipan
Baka may kahalayan

Biruin mo nga naman
Pag-ibig sa unahan
Kasunod ay "date" na yan
Sa dulo'y romansahan

Kay galing ng nag-isip
Pangala'y di malirip
alamin mo't sumilip
kung anong mahahagip

Pag-ibig naturingan
Lahat ng nilalaman
Sa mundo'y kailangan
Bawas ang kaguluhan

Mundong walang pa-ibig
Saan tayo sasandig
Kahit nga lang sa sahig
Ang manok ay kakahig

Paano pa ang tao
Kung pag-ibig naburo
Asin ma'y di sasanto
Masisira ang ulo

Kaya't tayo'y andito
Pag-ibig ang narito
Libre magkurukuro
May makikinig sa 'yo

Kung ika'y naninimdim
Lukuban man ng dilim
Halina at lumilim
Sabihin mo ang lihim

Lahat ay matatago
Usapan o sekreto
Ito'y nasasaiyo
Merong sekretong kwarto

Ang iyong pagkatao
Maalagaan dito
Bawal ang manggugulo
At sisira sa tao

Ito ang ating grupo
Maipagmalaki mo
Dito ay matututo
pano magpakatao

Maraming salamat po
At naging myembro dito
Iaalay sa inyo
Ang mga tula't kwento


Halina kayo samasama tayo....

a morsel of my youth

A morsel of my Youth (Malayan Wave -- aaba bbcb ccdc dd of Jose Rizal M. Reyes) In a small town where I was born and grew had happy...