Saturday, June 30, 2018

ANG KASALAN

Ang kasalan
Ang saya saya ko.
Handa na ang lahat
magmula sa mga abay, flower girl,
kahit na ang ring bearer.
Nakausap na rin ang pari
at ang simbahang gaganapan.
Ang mga ninong at ninang kumpleto na rin.
Ang kanyang magulang at ang akin
ay nagkita-kita ng sila'y mamanhikan.
Ganito pala ang pakiramdam.
Gusto mong umiyak sa kaligayahan.
Maya maya pa'y dinala na ang wedding gown.
Oh kay ganda't mamahalin.
Tingin ko'y bagay na bagay sa akin.
Sayang, di pwedeng isukat,
baka di daw matuloy ang kasal.
Eksayted na akong di ko mawari
Tila baga mundo'y nakikibahagi.
sa lahat ng kaligayahang
natatamo ng isang tulad ko.
Dumating na rin ang mga kaanak.
siksikan na sa aming malaking tahanan.
Nagkakatuwaan na't nagkakasiyahan
Habang ako'y umupo na't mag-aalamusal.
Ang bango ng Luto ni Yaya
Kaysarap ng afritada
at ako'y kumuha na ng kutsara't
sumandok, saba'y nganga,
nang biglang may yumugyog sa aking panga
ano ba, binabangungot ka na naman mama!
Waaaaaaaaa....
Di man lang pinasubo kahit isa 

MAY BULONG ANG ULAN

Bumuhos ang kanina pa'y
nagmamatyag na itim na ulap
na nakahalukipkip sa dakong kanluran.
May pagbadya ang lagaslas ng ulan.
May angas ang galaw.
Ang talim ng kidlat
halos pumunit sa pisngi ng langit.
Kahit ang hanging walang imik
Wari'y natulala sa palahaw ng kulog
at sandali pa't napapitlag.
Hudyat upang mag-uwian ang mga batang
nagkakatuwaang magduyan
sa lumang gulong ng sasakyang
binugkos ng pirapirasong tela't
tinali sa ilalim ng malaking
puno ng bayabas.
Takbo!
Kaya't nagtilamsikan ang tubig
na nagsisimulang maipon sa kalsada
sa kanilang pagkaripas.
At ang bawat talsik nito'y
gunitang nagpabalik sa nakaraan,
noong tayo'y inabutan
ng ulan sa madulas na pilapil.
Kaylamig ng bawat butil
na kumakaskas sa aking mukha
at nuot sa aking kalamnan.
Ngunit ang init ng yakap mo'y
darang na tumutunaw sa aking ginaw
at sa bawat sablay ng aking hakbang
sa daang makitid, dibdib mo't
dibdib ko'y agad sumasanib
upang ang paa ko'y di sumawsaw
sa pitak ng bukid.
Hayyyyy....
At ako'y napangiti.
Hindi lang hikbi ang dala ng ulan,
may bulong din itong hatid ay kilig.

Wines 2018

SA LIKOD NG LUMANG LARAWAN

Sa Likod ng Lumang Larawan

Nangangalmot na ang amag
na naninirahan sa kupas na larawang
nasa kahon ng narrang aparador.

May sapyaw na kurot ang kirot
tuwing umaalis ang araw,
ang buwan, at ang taon
sa mga pahina ng kalendaryo.
Lagpas bahay na ang puno ng akasyang
magkasabay tinusok sa lupa
sa laki'y naging lilim na,
ngunit kahit minsan ni haplos
ng basahan, di man lang sumayad
sa napabayaang litratong
hangad lang ay simpleng paglingap.

Minsang s'ya'y umuwi sa sariling bayan,
ang lumang larawan, nakaramdam 
ng pag-asang matagal nang pinapangarap.
"Kahit isang sulyap man lang."
(Gaya ng kanyang pag-asam).

Matamlay na ang kulay nito,
ngunit banaag pa ang saya ng lumipas.
Ang limot na't nilumot na nakaraan.
Dagli'y nahapit sa dibdib. 
May ngiting bumahid sa labi
pagkat alaala'y multong bumabalik.
Danga't kahit sa hinagap,
wala ng puwang ang dating kilig.
Ang pananabik magtatalo lang
at ng isip.

Wines 2018

Tuesday, June 5, 2018

KAHIT ISANG YAKAP LANG


Kahit Isang Yakap Lang
(Miss kita Ina)

Ibig kong mayakap ang nagbigay buhay
S'yang naging dahilang araw masilayan
Paa'y nasa hukay nang ako'y niluwal
Ang mundo'y tumigil habang nasasaktan

Nang ako'y nagsilang wika ko'y bayad na
Sa mga hirap mo at pag-aalala
Sa halik at hagod na walang kapara
Kulang pa ang sapat, oh, mahal kong ina!

Ngunit paano ba kita matularan?
Yaong pagmamahal na walang kapantay
Sa pag-aaruga't walang sawang gabay
Sa pag-uunawa bawat kamalian.

Kaypalad ko wari na ako'y nagising
sa mundong may hapis ngunit may paglambing
Sa mundong makulay, mata'y walang piring
May hagod ang tulog, madaling mahimbing

Mapalad din sila na ako'y namulat
Sa iyong daigdig na puno ng habag
Upang sa paglakbay o pagtawid-dagat
Baon ay pagsintang may sayang kayakap.

Salamat oh ina at may gintong-aral
Ang nulas sa labi mulang kabataan
May lamyos ang himig, may dangal ang asal
Sa bawat tugtugin, may tamang paghakbang.

Weeween 2018
(Pictures taken a year ago)

a morsel of my youth

A morsel of my Youth (Malayan Wave -- aaba bbcb ccdc dd of Jose Rizal M. Reyes) In a small town where I was born and grew had happy...