BAKIT MAY LUHA ANG LANGIT?
Ang mundo na dati'y kaybango ng hangin
Na punong-puno pa ng kahoy at tanim
Ang mga nilalang gawi ay mahinhin
Bata ay magalang, tao'y maawain.
Oh, bakit namanglaw himig ng daigdig
Na dati'y kay saya ngayo'y naging hapis!
Singhap ng hininga'y, bulkang tila galit
Ang hanging masungit, ugaling kay lupit.
Hanggang paru-paro pagdaka'y nagtanong
"Pwede mo ba akong samahang lumaboy?
Mundo'y tuturuang maging mahinahon
Upang ang halaman masayang sisibol."
Ang bawat puntahan simoy ay kaybantot
Buga ng bungangang himig ay himutok
Dila ay maangas tulis ay balakyot
At mapag-aglahi't muni ay manakot.
Kaya't ang bulaklak ay dagling sumagot
"Ikaw paruparo ay umikot-ikot
Sa rabaw ng mundo masid mo'y ilibot
Nang iyong mawari ang mula ng unos".
Kapag kalikasan layon nang maningil
Tataas ang tubig langit iilalim
Kahit pa isigaw laksang panalangin
Walang maririnig pagkat di riringgin!
Weeween Reyes 2017
Larawan: Google
No comments:
Post a Comment