Sunday, September 10, 2017

BAKIT MAY LUHA ANG LANGIT?

www.weenweenreyes.blogspot.com

BAKIT MAY LUHA ANG LANGIT?

Ang mundo na dati'y kaybango ng hangin
Na punong-puno pa ng kahoy at tanim
Ang mga nilalang gawi ay mahinhin
Bata ay magalang, tao'y maawain.

Oh, bakit namanglaw himig ng daigdig
Na dati'y kay saya ngayo'y naging hapis!
Singhap ng hininga'y, bulkang tila galit
Ang hanging masungit, ugaling kay lupit.

Hanggang paru-paro pagdaka'y nagtanong
"Pwede mo ba akong samahang lumaboy?
Mundo'y tuturuang maging mahinahon
Upang ang halaman masayang sisibol."

Ang bawat puntahan simoy ay kaybantot
Buga ng bungangang himig ay himutok
Dila ay maangas tulis ay balakyot
At mapag-aglahi't muni ay manakot.

Kaya't ang bulaklak ay dagling sumagot
"Ikaw paruparo ay umikot-ikot
Sa rabaw ng mundo masid mo'y ilibot
Nang iyong mawari ang mula ng unos".

Kapag kalikasan layon nang maningil
Tataas ang tubig langit iilalim
Kahit pa isigaw laksang panalangin
Walang maririnig pagkat di riringgin!

Weeween Reyes 2017
Larawan: Google

Saturday, September 9, 2017

AYAW NANG BUMULONG NG MGA ALON

Ayaw nang Bumulong ng Mga Alon
Halaw sa "Nang Dapithapong Bumulong ang Mga Alon"
ni Maestro Salidumay diway

Mabigat ang hakbang ngayo't nag-iisa
Sa lumang tagpuang pugad ng pagsinta
Ang dalampasigang dati ay kaysaya
Mistulang libingan nitong alaala.

Saksi pa ang dagat ng dating lambingan
At sa buhanginan yakap mo'y kandungan
Nang minsang unahang umuwi ng araw
Mutya nating tanglaw ang dilat na buwan.

At ang aking kamay ay iyong ginagap
Pangakong pag-ibig hindi magwawakas
Ngunit ba't nalisya't tuluyang tumakas
Init ng paggiliw lumamig ang alab.

Solo man ang bakas ng paa'y gumuhit
Lamikmik ng alon isip ay tahimik.

Weeween Reyes 2017
Larawan: Google

Reunion

REUNION(44 na)
halaw sa "Reunion" ni Maestro Salidumay Diway


Pumukaw sa aandap-andap 
na alaala ang pamilyar na ngiti,
habang kunot noo itong inaninag 
sa pitak ng kahapon.
Ang haba ng nilakbay ay banaag
sa mga gatla na tinakpan 
ng makapal na kolorete 
upang ikubli ang saksi
sa nalagas na kabataan. 
Maliban sa abuhin na ang kulay
ng numinipis na buhok,
masisilip ang naging karanasan 
sa natitirang hibla nito.
Ulinig din ang di mapatid 
na bidahang baon mula sa tahanan,
at kanya-kanyang hubad 
ng maskara ng tagumpay.
Ang mga umangat, 
inangkin ang entablado,
samantalang ang iba'y tinago
sa pananahimik ang pagkabigo.
Habang hinuhukay sa hagap 
ang hagunghong ng halakhakan,
'numbalik ang mga nagdaan 
sa bawat mainit na yakap, 
sa bawat mariing gagap 
ng kamay at kumustahan,
at sa sabik na dampi ng halik.
Parang tulay na nagdugtong 
sa naputol na tamis ng gunita 
ang tapat na akbay ng pagkakaisa. 
At ang patagong sulyap 
at pasimpleng ngiti ay sapat 
upang ipagkanulo ang damdaming 
kay tagal nang nakatulog.
Ang unang tibok, ang unang pag-ibig
na pinaghiwalay ng pagkakataon 
muling pinagtapo ng tadhana
sa pagkikita-kita.
At ang kasaysayan, muling mauulit.
Sana'y makasakay silang dalawa
sa huling byahe!

Weeween Reyes 2017
Larawan: Google

a morsel of my youth

A morsel of my Youth (Malayan Wave -- aaba bbcb ccdc dd of Jose Rizal M. Reyes) In a small town where I was born and grew had happy...