Monday, October 30, 2017

ESPIRITU NG BASO

ESPIRITO NG BASO, SA LOOB KA NA BA?

ESPIRITU NG BASO, SA LOOB KA NA BA?
(SPIRIT OF THE GLASS ARE YOU IN?)
www.weenweenreyes.blogspot.com

Mula't sapul ang pinaka ayaw kong gawin at ng mga kabataan ay ang maglaro ng hindi para sa normal na buhay. Alam natin na ang mga bata minsan, may katigasan ang mga ulo at hindi sumusunod sa magulang, ngunit ang lahat dapat ay may hangganan para tayo’y malayo sa higit na kapahamakan.

Maalinsangan ang hapon kaya naisip kong lumabas ng bahay upang sumagap ng kaunting preskong hangin at tuloy sumaglit sa aking tiya. Isa pa lang ang aking anak noon. Kasalukuyan kaming nasa probins’ya't nagbabakasyon. Akala ko’y isang simpleng pagdalaw lang ang pagpunta ko sa aking tiya, ngunit ako’y nagkamali. Muntik ng maging isang trahedya.

Pagdating ko ay nadaanan kong nagkukulumpunan ang mga kabataan sa bakuran ng aking tyahin. Pero di ko pinansin sa pag-aakalang kung ano lang ang kanilang ginagawa. Kahit di ko dinatnan doon ang aking tiya ay napahunta na ako sa aking mga pinsang naroroon at ilang kapitbahay. Ngunit di ako nagtagal at uuwi na sana ng mapansin ko na nagkakagulo ang mga kabataan. Nang aking nilapitan, saka ko pa lang napansin na sila pala ay naglalaro ng “spirit of the glass”.

Sa isang mababang mesa ay nakapatong ang isang Manila paper na may guhit na bilog at may abakada sa paligid. Meron ding numerong 1- 10 at “YES OR NO”. Nang ako’y lumapit ay kasalukuyang meron na silang natawag na kaluluwa. At sumasagot na ang baso sa kanilang mga katanungan sa pamamagitan ng paglapit sa mga letra. Ibig sabihin, magaling sa spelling ang espiritu sa baso.

Naikwento ng aking butuhing ama noong s'ya'y nabubuhay pa, nung araw sa kanilang probinsya, may naglaro ng "spirit of the glass" pero nangagtakot ang mga naglalaro pagkat ang pumasok na espiritu sa baso ay alam nilang buhay na buhay pa, kayat napilitang ihinto ang paglalaro sa takot. Ang sa akala nilang isang simpleng karanasan ay nagdulot sa kanila ng bangungot pagkat ng araw na yun ay nabalitaan nilang namatay ang taong iyon.

Naalala ko noong ako’y nasa Ikatlong baytang pa lamang ay nakasama na rin ako sa ganyang laro sa bahay ng isang kaibigan ng aking ate, at naranasan ko kung paano gumagalaw ang baso dahil kasama rin ang munti kong daliri sa bawat kilos nito. Ngunit sandali lamang at itinigil din nila sa hindi ko malamang dahilan.

Ngunit hindi ko naman sineryoso, palibhasa’y bata pa ako, isip ko’y tinutulak lang ng aking mga kasamahan ang baso kayat gumagalaw.

Ngunit noon yun nung di pa kayang malirip ng aking isipan ang mga bagay na hindi ko pa kayang intindihin. Hindi kaya dahil sa pulso ng marami? Pero paano gagalaw ang baso para pumunta sa isang direksyon ng walang nagsasabi kung anong letra ang tutumbukin? Hindi ko rin kayang sagutin kahit ngayong ako'y matanda na at marami ng nababasa't nababalitaan.

Ang totoo ay di ko yan gusto, at ako’y naniniwalang yan ay di magandang laro lalo sa mga kabataan. Nakapanghihilakbot isiping ang isang nananahimik na kaluluwa’y atin pang tatawagin at iisturbuhin. Patawarin tayo ng D’yos (sabay antanda).

At habang ako'y nagnonostalgia ay patuloy ang kanilang paglalaro, patuloy ang pagtatanong, ngunit bandang huli ay naubusan ng itatanong at medyo natahimik silang lahat kaya't napilitan akong magsalita kahit ako’y nang-uusyoso lamang.....

Tagasaan ka?

.....K...A...Y...A...T...O...N...G....

Kayatong daw. Ang pamosong lugar ng mga engkanto sa aming probinsya na aking naririnig nung akoy bata pa. Maya maya, sabi ko ‘y tanungin nila kung mabuti ba o masama ang aming ginagawa at muling sumagot....

.....Y.........E..........S......

Muli akong nagtanong...bakit? at ang sagot....

.....E........V........I........L......

Ang sabi ko sa kanila ay tigilan na nila at nakatatakot at baka kung mapaano sila. Ang Kayatong ay hindi isang simpleng lugar sa amin nung aking kapanahunan kung hindi pa nila alam. Ang sabi ng matatanda ito ay isang lugar na pinamumugaran ng mga engkanto at ibang laman lupa. Ngunit may katigasan ang ulo ng ibang bata at nagpatuloy sa pagtatanong, hindi ako pinansin.

Mayamaya pa’y biglang tumalsik ang baso na parang kaylakas ng paglipat lipat sa kabila’t kanan o kahit saang gilid ng bilog at hindi na mabasa ang pinupuntahan at nakaramdam ako ng takot para sa mga batang naglalaro. Hindi na nila masawata ang takbo ng baso. At biglang nagbitaw ang iba sa takot. Extra ordinary ang lakas nito at nagtataka na nga ako kung bakit kahit dalawa na lang ang daliring nakalagay ay patuloy ang pagtalsik, kahit hindi na tinatanong. Ngunit di naman natutumba kahit minsan napapaangat ng unti dahil sa sobrang lakas ng talsik.

At yun ang kinakatakutan ko, baka matumba ang baso’t makawala ng di maayos ang laman nito at may masaniban. Kaya't napilitan akong ipatong din ang aking daliri sa baso, kahit malakas ang aking agam-agam, habang halos magsumigaw na ang mga nahintakutang kabataan. Maya-maya'y mag-isa na lang ang daliri kong nakapatong sa baso pagkat lahat ay nasindak nat halos mag-iyakan.

"Ibalik n’yo ang inyong mga daliri sa baso! Lahat ng sumali! Wag kayong matakot! Basta ibalik nyo! kailangang matapos ito ng tama!" Madidiin ang aking mga salita, ngunit ngatal. Kahit nangangatog sa takot ay ibinalik ng mga kabataan ang kanilang mga daliri. "Kailangan nating gawin ito at baka kayo ay mapahamak! Hindi natin alam ang kahihinatnan kung pababayaan nating lumabas ang espirito na mukhang nagagalit."

Hindi nila alam, ako’y nanenerbyos ng sobra, gaya nila. "Sigi, sabayan nyo akong magdasal.” Habang nagsasalita ako ay sumasabay na ang daliri ko sa pagtalsik ng baso.

“ Ano ba ang tamang proseso? Paano nyo natawag ang espiritu?” Paasik kong tanong. “Ate nagdasal po kami ng "Ama namin" na pabaliktad.” “Ah, di ako marunong nyang pabaliktad.” At agad akong nagsimulang magdasal...

Noong una’y mag-isa lamang ako, hanggang sumabay na rin ang iba, paulit-ulit at palakas ng palakas ang aming taimtim na pagdarasal bilang panawagan sa langit. Halos magsumisigaw na ang aming mga boses na akala mo’y hinahabol ng sangkaterbang impakto.

......“Ama namin sumasalangit ka,
......sambahin ang ngalan mo ,
......mapasamain ang kaharian mo,
......sundin ang loob mo
......dito sa lupa para ng sa langit.
......Bigyan mo kami ngayon
......ng aming kakanin sa araw araw,
......at patawarin mo kami sa aming mga sala,
......para ng pagpapatawad namin
......sa mga nagkakasala sa amin;
......at wag mo kaming ipahintulot sa tukso,
......at iadya mo kami sa lahat ng masama.
......Amen!”

At muling inulit ang dasal, palakas ng palakas hindi tumigil sa pag-usal,hanggang sa ang pagtalsik ng baso’y unti unting nabawasan ang lakas, unti-unting naging banayad, huminay ng huminay hanggang sa wakas ay tumigil na at mukhang ang bawa’t isa’y nabunutan ng tinik. At ang bawat malalim na bumuntunghininga’y may takot at ang mga mukha’y makikitaan ng pagsisisi’t napailing na lamang.

”Maraming salamat panginoon at patawarin mo kami kung nabulabog ng mga kabataang narito ang pananahimik ng kaluluwang pumasok sa baso. Sana po ay patawarin sila ng kaluluwa at walang mangyari sa mga kabataang ito na malalakas ang loob sa paglaro sa mga bagay na hindi pa nila lubos na naiintindihan. Patawad o D’yos! Sana po ay matahimik na rin ang kanyang kaluluwa. Amen!" Usal kong pabulong.

“Sana, wag nyo na itong ulitin nakita nyo ang nangyari." "Ay opo, hindi na po talaga. Nakatatakot! po" Ang parang kumakanta ng kuros na sagot nila. "Sabi nga po ni Mama, bawal daw pong maglaro nyan. Sinubukan lang po namin, nagkatuwaan lang po. Di naman namin alam na ganyan kalala ang mangyayari." Anang isa.

"Magdasal pa kayo at humingi ng tawad sa D’yos, at sa kanya (espititu)", pahabol kong paalala. "Opo!" At isa-isa ng lumisan ang mga kabataan, bitbit ang karanasang alam kung magtuturo sa kanila ng leksyon at ang kaisipang ang katigasan ng ulo ay dapat may hangganan.

“SPIRIT OF THE GLASS ARE YOU IN?” palasak na katanungan para malaman kung may pumasok ng espiritu sa loob ng baso …sana matahimik ka na……at mapatawad ang mga taong walang magawa……

>>>>>>> HAPPY HALLOWEEN TO ALL <<<<<<<

Sa ngalan ng lugar na ginamit, pagpasensyahan po dahil yan ang totoong  spelling ng pangalang nabuo sa turo ng baso. Mula pagkabata sa salin-saling kwento ng matatanda ko narinig ang nasabing pangalan at siyang lumabas na pangalan ng lugar sa spirit of the glass at walang intensyong manira. (may-akda)

TERWEENA 2012

Photo credits to the owner

Tuesday, October 24, 2017

INA. OH, AMING INA


INA. OH, AMING INA!
www.weenweenreyes.blogspot.com.
Ina, binigyan mo kami ng tahanan
Isang simple ngunit may pagmamahalan
Ikaw rin ang ilaw sa bawat karimlan
na naging sagabal sa aming daanan.
Tunay ngang may lambing ang bawat mong yakap
Ang init ng salat ay kay sarap-sarap
Kapag nalulungkot ngiti mo ang hanap
At ang salita mo'y aral na dalumat.
Ngayong sumisilip ang yong dapit-hapon
Kami ang umagang may angking hinahon
Upang maging lakas sa iyong pagbangon
At magsilbing tungkod sa pagpapatuloy.
Habang lumalabo ang yong mga mata
Gigiya sa iyo'y aming mga paa.
Weeween Reyes 2017

Thursday, October 5, 2017

ANG LUPA AY REPLEKASYON NG LANGIT

ANG LUPA AY REPLEKSYON NG LANGIT
www.weenweenreyes.blogspot.com.

Nang ipininta ko ang bilog na mundo
Saka ko namasdan angking ganda nito
Ang langit at lupa, ang dagat at ulap
Na dati'y di pansin o ni sa hinagap.

Asul na matapat ang kulay ng langit
Katumbas ay dagat, karagatang sambit
O kayganda-ganda ng ulap na puti
Tahimik na alon ang siyang kauri.

May gulay at punong pamuno sa gutom
Gumagalang buhay sa tao ay tulong
May pagkaing dagat na lasa ay hangad
Hangin na sariwa'y oksihenong hanap.

Ang mga bulaklak kapara'y bituin
sa lupa bumaksak kaysarap samyuin
at ang mga bata'y anghel na mabait
nagbibigay aliw sa ating daigdig.

Tayo ay nilalang, Diyos ang kawangis
At may kaluluwang managot sa langit

Weeween Reyes '17

My attempt to recreate one of Yasser Fayad's artworks
and added some of my personal touches.... my first!

Tuesday, October 3, 2017

SA KANDUNGAN MO NANAY

SA KANDUNGAN MO NANAY

Sa kandungan mo 'Nay, may lalim ang himbing,
At sa iyong himig idlip ko'y matulin.
Sa gabing malamig yakap mo ay kumot,
Mahinhin mong dantay kay lamyos ang haplos.

Sa kandungan mo 'Nay, may ligayang hatid,
Galak ko ay sigaw ng liyad kong dibdib.
Mainit mong halik katambal ay lambing,
sa diwa kong tulog s'ya ang gumigising.

Sa kandungan mo 'Nay ngiti mo ay aliw.
Araw na maulap ay agad niningning,
upang sa maghapon magsilbing sandata.
Maging mahinahon sa pakikibaka.

May oyayi ang hele, yakap mo ay duyan;
Ang kandungan mo 'Nay ay aking tahanan.

Weeween Reyes 2017

a morsel of my youth

A morsel of my Youth (Malayan Wave -- aaba bbcb ccdc dd of Jose Rizal M. Reyes) In a small town where I was born and grew had happy...