Monday, May 14, 2018

INA (Irog Ng Anak)

INA (Irog Ng Anak)
www.weenweenreyes.blogspot.com

Ang mga mata nyang malamlam
bakas ng inang nagbata
ng hirap at pagod.
Di hantad ang luha at lumbay
nang sampung kaluluwa'y maging tao.

Yumakap ang aking alimutaw
sa kulubot n'yang kamay
na sa akin ay nakatangan.
Wala na ang kinis ng kahapon.
Wala na ang lakas ng nakaraan.
Wala na ang lambing ng hagod.
Ang dating init ng gagap,
tila yumao na.
Ngunit ang mga ngiti sa labi
pilit nagsisinungaling.
Pilit tinatanggi ang panghihinang
kumakain sa kanyang himaymay.
Pilit tinatago ang takot
na gumagapang sa kanyang pagkatao.
Pilit nagpapakatatag
tuwing aking nilalapitan
at ang mahinang sagot
sa aking mga tanong
"nag-iingat lang"

Kay amo pa rin ng kanyang mukha.
Hindi kayang igupo ng sakit
na sa kanya'y humahaplit.
Ang mga biro, tila pa rin
bagyong humahagupit,
matibay, determinado, huwisyoso.
Sintatag ng moog
na tanggulan ng aming kahinaan,
bantayog na aming titingalain,
Upang aming baon sa bawat laban.

Kahit wala na ang tindig at tapang
sumisigaw ng pagmamahal ang haplos.
Bawat gatla sa mukha may kahulugan,
may gintong aral na iiiwanan.
Ah, ang ating ina, tunay na dakila.
May pusong patuloy na nagmamahal
kahit sa ating pinakamasama.
May kamay na humahawak
kapag tayo'y nanghihina.
May kandungang sasalo
kapag tayo'y nalugmok sa lupa.
Ating ina, sya ang umaakay
kapag tayo'y nadadaan sa lubyak.

Weeween Reyes 2018
(Araw ng mga Ina)


Sunday, April 15, 2018

PIRA-PIRASONG ULAP

· 
Naghagilap ang aking mga mata.
Ibig kong mamulot
ng mga naggagandahang ulap,
simula sa mababa pataas.
Isa-isa kong tinipon
ang bawat hibla nito.
May malaki't maliit.
Nais ko sana'y simputi ng bulak
ang aking bawat mahagip.
Upang sa pamamagitan nito
ang maiguhit galing sa paslit
kong alaala'y magagandang bagay,
masasaya, wagas at puno ng pag-ibig.
Ngunit aking napansin,
sari-sari ang kulay ng mga ulap.
May puting-puti, may abuhin,
may mapula, may kulay kahel,
may ube at meron ding maitim.
Marahil ito'y sanhi ng pagkakaiba
ng oras, at panahon, at repleksyon.
Para bang ating buhay.
Maraming kulay, maraming hugis,
May makapal may manipis.
May halakhak, may paghikbi.
Unti-unti kong pinagdikit
Ang bawat kong nadampot
upang ihugis ang ating kabataan.
Noong tayo pa lang, ating
mga kapatid, ating nanay at tatay.
Punong-puno ng pagmamahal at pangarap.
Kaysaya, kahit minsan
may lungkot ding kaagapay.
Ngunit tulad ng kastilyong buhangin
ang tinipon kong ulap
nadala ng hanging umihip,
nawasak, naiba ang hugis.
At ang mga ating mga hakbang
naiba ang landas, hindi nasunod
ang mga mumunting pinangarap
Ngunit gaya ng paggiya ng timon,
nariyan palagi ang Panginoon
upang hatakin tayo sa tamang landas,
nang sa ating paggising
tayo'y maging magulang
at may pamilyang masasandigan.
Gaya ng kung saan tayo nagsimula
Naitayo ang bagong kastilyong
Tunay na sariling atin.
Nabuo ang mga ulap na mapuputi
upang maging daan sa ating pagngiti.
Ngunit ang anino ng kabataan
at ang ating pamilyang pinagmulan
mawalay man ay busilak ang pagmamahal,
Weeween 2018 (April 9)

Wednesday, March 28, 2018

REGALO

REGALO

Namangha ka sa sunlower
na nakasabit, "for sale",
ngunit nagdalawang isip bilhin.
Nang balikan mo ang sining,
panghihinayang at panimdim
ang siyang umalipin
sa nagsisising damdamin.
Bakante na ang dingding.

Iyong ipinagkibit-balikat.
Kahit ka pa umiyak
ng sampung galong luhang maalat
wala nang saysay ang lahat.
Wala na ang paboritong bulaklak.

Kaarawan mo'y dumatal 
pagkaraan ng ilang araw.
Regalo mo'y isang larawan
ng bulaklak na pinanghinayangan.
Kakaiba man ang desenyong halaw
iyo pa ring pinasalamatan.
Kagyat, may nabungaran,
bumulaga sa iyong harapan,
hawak ng iyong tatay,
ang isang sorpresang tangan.
Walang kurap ang mata mong bilugan.
Nakatitig, salita'y nabalam
Habang tulala mong pinagmasdan
Ang pangarap mong larawan
Akala mo'y tunay
Ngunit iba ang nakasaad na ngalan....

Ang pintor pala'y iyong nanay! 

Weeween '18

Wednesday, January 31, 2018

BAKIT BIHIS PULA ANG BUWAN?

Bakit Bihis Pula Ang Buwan?
Alindog mong taglay ay naging makulay
Balana'y nagalak sa angking kariktan
Kay pula ng bihis nang aking mamasdan
Oh, Ama sa langit ano ang dahilan?
Kami ay namangha, oh, buwang mapula
Nang ikaw'y lumitaw tunay ngang kayganda
Lahat ay humanga, lahat napanganga
At kanaisnais pagmasdan ng mata.
Dapat bang matuwa itong sambayanan?
Bigla mong pagbago, kaya'y katakutan?
May hatid mensahe ba ang kalangitan:
Dahil ang daigdig tunay nang naligaw?
At walang sinuman maliban sa Kanya
Ang simula't wakas, alpha at omega.
Weeween '18
Photo: Marvi Del Castillo

Tuesday, January 30, 2018

OH, BUWAN!

OH, BUWAN!
www.weenweenreyes.blogspot.com

Oh, buwang marikit ganda mo't alindog
Pumukaw sa pusong kay himbing ang tulog!
Wangis mo'y dalagang kay hinhin ang kilos
Habang umuusad may lambing na handog.

Payapa kang tanaw sa rabaw ng mundo
Habang angking ganap kalaparan nito
Tila nakangiti't wari'y taas noo
Sa dilim ng gabi ilaw mo'y ilaw ko.

Samahan mo ako, oh, hirang kong buwan!
Sa gabing tahimik tayo ay magtipan
Habang ang bituin ay nagtataguan
Pagkat liwanag mo'y tunay na umapaw.

Salamat oh buwan sa bigay mong saya
Sa muling pagkita dala'y alaala.

Weeween 2018
Rooftop

Thursday, January 25, 2018

BUKANG LIWAYWAY


BUKANG LIWAYWAY
Sumilay ang kulay kahel
na panginorin.
Ngumiti ang langit
habang tahimik ang malasutlang
maninipis na ulap na nakahanay
sa tawag ay bubong ng mga
yagit na nagkalat sa lansangan
kumot ang lamig na noot
sa mga bubot na katawan.
Kayganda ng bukas ng umaga.
May bitbit na pangako
ng isang bagong simula
tulad sa unang paglitaw
ng liwanag at sikat.
Ngunit lasap ba ng mga ligaw
na kaluluwa ang kislap
na nagsisimulang pumalakpak
sa kinang ng iyong sinag?
Ang nakaw na tulog na utang
sa puyat na kapaligiran
nagbabayad sa lantang katawan
nang sa pagmulat ay may pipintig
na lakas galing sa dugong
inani sa buong magdamag.
Matapos takasan ang karimlang
naging sandaling kanlungan
ng di kaayaayang kaisipan
muli'y lalaya ang araw.
Pagbuka ng liwayway
naghihintay ang bagong pag-asa.
Weeween '18
(My second attempt, copied from google)

Monday, October 30, 2017

ESPIRITU NG BASO

ESPIRITO NG BASO, SA LOOB KA NA BA?

ESPIRITU NG BASO, SA LOOB KA NA BA?
(SPIRIT OF THE GLASS ARE YOU IN?)
www.weenweenreyes.blogspot.com

Mula't sapul ang pinaka ayaw kong gawin at ng mga kabataan ay ang maglaro ng hindi para sa normal na buhay. Alam natin na ang mga bata minsan, may katigasan ang mga ulo at hindi sumusunod sa magulang, ngunit ang lahat dapat ay may hangganan para tayo’y malayo sa higit na kapahamakan.

Maalinsangan ang hapon kaya naisip kong lumabas ng bahay upang sumagap ng kaunting preskong hangin at tuloy sumaglit sa aking tiya. Isa pa lang ang aking anak noon. Kasalukuyan kaming nasa probins’ya't nagbabakasyon. Akala ko’y isang simpleng pagdalaw lang ang pagpunta ko sa aking tiya, ngunit ako’y nagkamali. Muntik ng maging isang trahedya.

Pagdating ko ay nadaanan kong nagkukulumpunan ang mga kabataan sa bakuran ng aking tyahin. Pero di ko pinansin sa pag-aakalang kung ano lang ang kanilang ginagawa. Kahit di ko dinatnan doon ang aking tiya ay napahunta na ako sa aking mga pinsang naroroon at ilang kapitbahay. Ngunit di ako nagtagal at uuwi na sana ng mapansin ko na nagkakagulo ang mga kabataan. Nang aking nilapitan, saka ko pa lang napansin na sila pala ay naglalaro ng “spirit of the glass”.

Sa isang mababang mesa ay nakapatong ang isang Manila paper na may guhit na bilog at may abakada sa paligid. Meron ding numerong 1- 10 at “YES OR NO”. Nang ako’y lumapit ay kasalukuyang meron na silang natawag na kaluluwa. At sumasagot na ang baso sa kanilang mga katanungan sa pamamagitan ng paglapit sa mga letra. Ibig sabihin, magaling sa spelling ang espiritu sa baso.

Naikwento ng aking butuhing ama noong s'ya'y nabubuhay pa, nung araw sa kanilang probinsya, may naglaro ng "spirit of the glass" pero nangagtakot ang mga naglalaro pagkat ang pumasok na espiritu sa baso ay alam nilang buhay na buhay pa, kayat napilitang ihinto ang paglalaro sa takot. Ang sa akala nilang isang simpleng karanasan ay nagdulot sa kanila ng bangungot pagkat ng araw na yun ay nabalitaan nilang namatay ang taong iyon.

Naalala ko noong ako’y nasa Ikatlong baytang pa lamang ay nakasama na rin ako sa ganyang laro sa bahay ng isang kaibigan ng aking ate, at naranasan ko kung paano gumagalaw ang baso dahil kasama rin ang munti kong daliri sa bawat kilos nito. Ngunit sandali lamang at itinigil din nila sa hindi ko malamang dahilan.

Ngunit hindi ko naman sineryoso, palibhasa’y bata pa ako, isip ko’y tinutulak lang ng aking mga kasamahan ang baso kayat gumagalaw.

Ngunit noon yun nung di pa kayang malirip ng aking isipan ang mga bagay na hindi ko pa kayang intindihin. Hindi kaya dahil sa pulso ng marami? Pero paano gagalaw ang baso para pumunta sa isang direksyon ng walang nagsasabi kung anong letra ang tutumbukin? Hindi ko rin kayang sagutin kahit ngayong ako'y matanda na at marami ng nababasa't nababalitaan.

Ang totoo ay di ko yan gusto, at ako’y naniniwalang yan ay di magandang laro lalo sa mga kabataan. Nakapanghihilakbot isiping ang isang nananahimik na kaluluwa’y atin pang tatawagin at iisturbuhin. Patawarin tayo ng D’yos (sabay antanda).

At habang ako'y nagnonostalgia ay patuloy ang kanilang paglalaro, patuloy ang pagtatanong, ngunit bandang huli ay naubusan ng itatanong at medyo natahimik silang lahat kaya't napilitan akong magsalita kahit ako’y nang-uusyoso lamang.....

Tagasaan ka?

.....K...A...Y...A...T...O...N...G....

Kayatong daw. Ang pamosong lugar ng mga engkanto sa aming probinsya na aking naririnig nung akoy bata pa. Maya maya, sabi ko ‘y tanungin nila kung mabuti ba o masama ang aming ginagawa at muling sumagot....

.....Y.........E..........S......

Muli akong nagtanong...bakit? at ang sagot....

.....E........V........I........L......

Ang sabi ko sa kanila ay tigilan na nila at nakatatakot at baka kung mapaano sila. Ang Kayatong ay hindi isang simpleng lugar sa amin nung aking kapanahunan kung hindi pa nila alam. Ang sabi ng matatanda ito ay isang lugar na pinamumugaran ng mga engkanto at ibang laman lupa. Ngunit may katigasan ang ulo ng ibang bata at nagpatuloy sa pagtatanong, hindi ako pinansin.

Mayamaya pa’y biglang tumalsik ang baso na parang kaylakas ng paglipat lipat sa kabila’t kanan o kahit saang gilid ng bilog at hindi na mabasa ang pinupuntahan at nakaramdam ako ng takot para sa mga batang naglalaro. Hindi na nila masawata ang takbo ng baso. At biglang nagbitaw ang iba sa takot. Extra ordinary ang lakas nito at nagtataka na nga ako kung bakit kahit dalawa na lang ang daliring nakalagay ay patuloy ang pagtalsik, kahit hindi na tinatanong. Ngunit di naman natutumba kahit minsan napapaangat ng unti dahil sa sobrang lakas ng talsik.

At yun ang kinakatakutan ko, baka matumba ang baso’t makawala ng di maayos ang laman nito at may masaniban. Kaya't napilitan akong ipatong din ang aking daliri sa baso, kahit malakas ang aking agam-agam, habang halos magsumigaw na ang mga nahintakutang kabataan. Maya-maya'y mag-isa na lang ang daliri kong nakapatong sa baso pagkat lahat ay nasindak nat halos mag-iyakan.

"Ibalik n’yo ang inyong mga daliri sa baso! Lahat ng sumali! Wag kayong matakot! Basta ibalik nyo! kailangang matapos ito ng tama!" Madidiin ang aking mga salita, ngunit ngatal. Kahit nangangatog sa takot ay ibinalik ng mga kabataan ang kanilang mga daliri. "Kailangan nating gawin ito at baka kayo ay mapahamak! Hindi natin alam ang kahihinatnan kung pababayaan nating lumabas ang espirito na mukhang nagagalit."

Hindi nila alam, ako’y nanenerbyos ng sobra, gaya nila. "Sigi, sabayan nyo akong magdasal.” Habang nagsasalita ako ay sumasabay na ang daliri ko sa pagtalsik ng baso.

“ Ano ba ang tamang proseso? Paano nyo natawag ang espiritu?” Paasik kong tanong. “Ate nagdasal po kami ng "Ama namin" na pabaliktad.” “Ah, di ako marunong nyang pabaliktad.” At agad akong nagsimulang magdasal...

Noong una’y mag-isa lamang ako, hanggang sumabay na rin ang iba, paulit-ulit at palakas ng palakas ang aming taimtim na pagdarasal bilang panawagan sa langit. Halos magsumisigaw na ang aming mga boses na akala mo’y hinahabol ng sangkaterbang impakto.

......“Ama namin sumasalangit ka,
......sambahin ang ngalan mo ,
......mapasamain ang kaharian mo,
......sundin ang loob mo
......dito sa lupa para ng sa langit.
......Bigyan mo kami ngayon
......ng aming kakanin sa araw araw,
......at patawarin mo kami sa aming mga sala,
......para ng pagpapatawad namin
......sa mga nagkakasala sa amin;
......at wag mo kaming ipahintulot sa tukso,
......at iadya mo kami sa lahat ng masama.
......Amen!”

At muling inulit ang dasal, palakas ng palakas hindi tumigil sa pag-usal,hanggang sa ang pagtalsik ng baso’y unti unting nabawasan ang lakas, unti-unting naging banayad, huminay ng huminay hanggang sa wakas ay tumigil na at mukhang ang bawa’t isa’y nabunutan ng tinik. At ang bawat malalim na bumuntunghininga’y may takot at ang mga mukha’y makikitaan ng pagsisisi’t napailing na lamang.

”Maraming salamat panginoon at patawarin mo kami kung nabulabog ng mga kabataang narito ang pananahimik ng kaluluwang pumasok sa baso. Sana po ay patawarin sila ng kaluluwa at walang mangyari sa mga kabataang ito na malalakas ang loob sa paglaro sa mga bagay na hindi pa nila lubos na naiintindihan. Patawad o D’yos! Sana po ay matahimik na rin ang kanyang kaluluwa. Amen!" Usal kong pabulong.

“Sana, wag nyo na itong ulitin nakita nyo ang nangyari." "Ay opo, hindi na po talaga. Nakatatakot! po" Ang parang kumakanta ng kuros na sagot nila. "Sabi nga po ni Mama, bawal daw pong maglaro nyan. Sinubukan lang po namin, nagkatuwaan lang po. Di naman namin alam na ganyan kalala ang mangyayari." Anang isa.

"Magdasal pa kayo at humingi ng tawad sa D’yos, at sa kanya (espititu)", pahabol kong paalala. "Opo!" At isa-isa ng lumisan ang mga kabataan, bitbit ang karanasang alam kung magtuturo sa kanila ng leksyon at ang kaisipang ang katigasan ng ulo ay dapat may hangganan.

“SPIRIT OF THE GLASS ARE YOU IN?” palasak na katanungan para malaman kung may pumasok ng espiritu sa loob ng baso …sana matahimik ka na……at mapatawad ang mga taong walang magawa……

>>>>>>> HAPPY HALLOWEEN TO ALL <<<<<<<

Sa ngalan ng lugar na ginamit, pagpasensyahan po dahil yan ang totoong  spelling ng pangalang nabuo sa turo ng baso. Mula pagkabata sa salin-saling kwento ng matatanda ko narinig ang nasabing pangalan at siyang lumabas na pangalan ng lugar sa spirit of the glass at walang intensyong manira. (may-akda)

TERWEENA 2012

Photo credits to the owner

a morsel of my youth

A morsel of my Youth (Malayan Wave -- aaba bbcb ccdc dd of Jose Rizal M. Reyes) In a small town where I was born and grew had happy...